Tiniyak ni Senate President Chiz Escudero na itatrato nang may paggalang si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa inaasahang pagharap nito sa imbestigasyon sa war on drugs ng Senado.
Ayon kay Escudero, bahagi ng protocol ng Senado na sinumang resource person, ito man ay dating pangulo o isang ordinaryong Pilipino ay nararapat na tratuhin ng may paggalang, respeto, at pagkilala sa karapatang pantao salig na rin sa ating saligang batas.
Inaasahan ng senador na sa parte ng mga miyembro ng Senado ay ibibigay ng mga ito ang nararapat na paggalang hindi lamang bilang isang tao, bilang Pilipino, kung hindi bilang dating pangulo ng bansa.
Umaasa rin si Escudero na magkakaroon ng maliwanag, mapayapa, at komprehensibong palitan ng mga pananaw at impormasyon sa pagsalang ni Duterte sa pagdinig.
Aniya pa, batid din ni Duterte ang “rules of procedure” ng Kongreso dahil naging magkasama sila sa Kongreso noong 11th Congress.
Ipinauubaya ni Escudero kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, na siyang mangunguna sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee, ang magiging takbo ng drug war investigation.