Tiniyak ng Senado na tutulong sila sa abot ng makakaya para sa mga biktima ng Bagyong Paeng at ng 6.4 magnitude na lindol sa Abra.
Ayon kay Senator Imee Marcos, habang ginugunita ng bansa ang Undas ay sinusuri nila ang lawak ng pinsala na iniwan ng pananalasa ng bagyo gayundin ang mga nawasak ng lindol.
Batid ng senadora na nakakalungkot ang mga nangyaring kalamidad dahil sa panahon sana ng pag-ala-ala sa mga yumaong mahal sa buhay ay marami ang nasawi at malaki ang iniwang pinsala sa imprastraktura at kabuhayan ng mga naganap na sakuna.
Nangako si Marcos na tutulong ang Senado para mapanumbalik ang sigla ng mga biktima at maisaayos ang mga nasira ng kalamidad.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang senadora sa mga pamilya at komunidad na matinding hinagupit ng kalamidad at gagamitin ang pagkakataong ito para ipagdasal ang bansa na mailigtas mula sa mga sakuna.