Senado, tiniyak ang pagpapanagot sa mga nasa likod ng iligal na aktibidad sa POGO

Tiniyak ni Senator Risa Hontiveros ang pagkilos ng Senado para masiguro na mapapanagot ang mga sangkot sa iligal na gawain sa mga POGO.

Kaugnay na rin ito ng raid ng mga awtoridad sa isang POGO sa Porac, Pampanga kung saan mahigit 150 na mga dayuhan ang nasagip mula sa mga hinihinalang scamming activities, torture, kidnapping at sex-trafficking.

Ayon kay Hontiveros, matapos ang sunod-sunod na pagsalakay ng mga otoridad sa mga POGO ay nakakatanggap ang kanyang opisina ng mga napakaraming reports ukol sa mga paghahasik ng lagim ng mga POGO sa bansa.


Mas lalo lamang aniya napatunayan ng pinakahuling raid sa Pampanga na kahit nasaan ang mga POGO ay kadikit nito ang krimen.

Tinukoy ni Hontiveros ang impormasyon na posibleng may nag-leak o nag-tip sa mga operators sa POGO sa Pampanga matapos makatakas ang maraming dayuhan na nagtatrabaho at hinihinalang sangkot sa mga krimen na nangyayari doon.

Iginiit ng senadora na aalamin at titiyakin nila ang pagpapanagot sa mga nasa likod ng POGO pati na rin ang mga nakikipagsabwatan sa mga sindikatong Chinese.

Facebook Comments