Senado, tiniyak ang pagprayoridad sa dagdag na pondo para sa NAPOCOR

Tiniyak ni Senator Sherwin Gatchalian, co-Chairman ng Senate Finance Committee, na ipaprayoridad niya na mabigyan ng sapat na pondo ang National Power Corporation (NAPOCOR).

Kasunod na rin ito ng babala ng NAPOCOR sa budget hearing sa Senado na kapag hindi nadagdagan ang pondo ng ahensya ay posible ang pag-shutdown ng 278 power plants na maaaring magresulta sa malawakang blackout sa susunod na taon.

Sa 2023 ay P12.5 billion ang hinihiling na dagdag na pondo ng NAPOCOR mula sa P32.2 billion na inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP).


Ayon kay Gatchalian, kasama ito sa kaniyang ipaprayoridad na matiyak na mabibigyan ng sapat na pondo ang NAPOCOR upang tuluy-tuloy na makabili ng krudo at hindi magkaroon ng brownout.

Sa kabilang banda ay aminado rin si Gatchalian, na vice chairman din ng Energy Committee na maibigay ang mahigit P12 billion na hinihinging pondo ng NAPOCOR dahil sa napakalaki nito at sa panahon ngayon ay agawan talaga ng pondo ang maraming ahensya.

Pipilitin umano ng Senado na mabigyan pa rin ng karagdagang budget ang ahensya sa pamamagitan ng kombinasyon ng savings ng NAPOCOR, uutang sa bangko at subsidiya mula sa national government.

Facebook Comments