Senado, tiniyak na hindi magagamit ng mga kakandidato sa 2025 ang pambansang budget ng susunod na taon

Nakatitiyak si Senate President Chiz Escudero na hindi magagamit ang ₱6.325 trillion na pambansang pondo sa susunod na taon para sa 2025 election.

Ayon kay Escudero, mayroon tayong batas na nagsasaad na bawal gamitin ng sinumang kandidato ang anumang pondo ng pamahalaan tulad ng ayuda.

Paalala ng senador sa mga kakandidato, mayroong regulasyon ang Commission on Elections (COMELEC) patungkol dito at maraming kandidato ang nadiskwalipika noong 2022 dahil din dito.


Kumpyansa rin si Escudero na hindi maaapektuhan ng pagtakbo ng ilang mga senador ang proseso ng pagtalakay at pag-apruba sa pambansang pondo.

Wala aniya siyang nakikitang rason para maapektuhan ng kandidatura ng mga reelectionist sa Senado ang proseso ng budget dahil batid aniya ng mga senador na bahagi pa rin ng kanilang trabaho na maipasa ang isa sa pinakaimportanteng batas at ito ay ang national budget.

Facebook Comments