
Siniguro ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na igagalang ng Senado ang mga prayoridad na programa at proyekto ni Pangulong Bongbong Marcos sa ilalim ng 2026 national budget.
Tiniyak ni Gatchalian na patuloy nilang kinikilala ang vision at direksyon ng isinumiteng budget proposal ng Malakanyang o ang National Expenditure Program (NEP) ng Department of Budget and Management (DBM).
Gayunman, wala namang lusot sa pagbusisi ng Senado ang pambansang pondo partikular sa paggamit nito at kung may epekto ba sa taumbayan.
Idadaan aniya ito sa budget hearings para mahimay ng husto gayundun ang mga panukalang proyekto ng pambansang pondo.
Kahapon ay nai-turn over na ng DBM sa Senado ang 2026 NEP o ang ₱6.793 trillion na 2026 national budget at target sa September 1 ay ibi-briefing ng mga economic managers ang mga senador tungkol dito.









