
Pinatitiyak ni Senator Erwin Tulfo sa Senado na walang makalulusot na pork barrel o discretionary funds sa ilalim ng P6.793 trillion na 2026 national budget.
Sa unang araw ng budget deliberations sa plenaryo ay agad na hiningi ni Tulfo, Vice Chairman ng Finance Committee, ang katiyakan na wala nang pork barrel o budget para sa kickback at hindi na pagkakakitaan ng ilang mambabatas ang pambansang pondo tulad sa flood control projects.
Binigyang garantiya ni Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian na ang Senate version ng General Appropriations Bill (GAB) ay “corruption-free” dahil mahigpit na sila pagdating sa detalye ng bawat items na nasa budget.
Inalis na rin aniya ng Senado ang Strengthening Assistance for Government Infrastructure and Social Programs (SAGIP) sa ilalim ng unprogrammed funds na siyang tinukoy na pinagmulan ng bilyong pisong flood control funds noong 2023 at 2024.
Dagdag pa rito ay in-adopt din ng Senado ang mas mababang halaga ng materyales para sa imprastrakturang ipapatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kung saan ang bagong costing ay nagresulta ng pagbaba ng kabuuang gastos ng mga proyekto ng ahensya sa susunod na taon.









