Senado, tiniyak na walang “trust issues” ang Maharlika Wealth Fund bago ihain sa mataas na kapulungan

Tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi mamadaliin ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang isinusulong na Maharlika Wealth Fund (MWF).

Ayon kay Zubiri, dapat na matiyak na walang magiging ‘trust issues’ sa panukala kaya naman pag-aaralan muna nilang mabuti ang sovereign wealth fund bago maghain ang Senado ng kanilang bersyon.

Sinabi ni Zubiri na nakipagpulong siya at ang mga mambabatas kasama si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos at sa kanilang tingin ay nasa tamang direksyon ang panukala kung saan matapos ang pulong ay binawi na ng Kamara ang probisyon na kukunin dapat sa Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) pension funds ang paunang pondo sa Maharlika fund.


Magkagayunman, nais makasiguro ni Zubiri na nasa parehong posisyon ang Kamara at Senado pagdating sa MWF kaya titiyakin ng mga senador na may transparency at accountability ang kontrobersyal na panukala upang maalis ang mga ‘trust issues’ na bumabalot dito.

Aniya pa, maraming senador ang handang maghain ng MWF subalit hinihintay pa nila ang pinal na bersyon ng Kamara.

Katunayan, may mga naunang inatasan na rin si Zubiri na mga senador na bubusisi sa Maharlika fund.

Dagdag pa ni Zubiri, dahil nais matiyak ng mga mambabatas na walang pagkwestyon sa MWF ay posibleng matatagalan ang pagbusisi ng Mataas na Kapulungan sa panukala at ito naman aniya ay nauunawaan ng pangulo bilang dati rin itong senador.

Facebook Comments