Tiniyak ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, ang mahigpit na pagbabantay ng Senado upang hindi mapasok ng mga hackers ang system ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Kasunod na rin ito ng kumpirmasyon ni Senate Secretary Atty. Renato Bantug Jr., na nito lamang Linggo ay nag-spike o tumaas ang mga attempts o pagtatangka na i-hack ang website ng Senado na kasabay naman sa nangyaring hacking sa website ng Kamara.
Ayon kay Villanueva, patuloy silang makikipagugnayan at magbabantay sa Secretariat upang matiyak na nananatiling matibay ang cybersecurity ng institusyon.
Tulad din aniya ng kanyang unang pahayag, kailangang palakasin ang cybersecurity ng gobyerno lalo’t tumataas din ang banta ng cyberattacks sa ating national security na maaari pang makakompromiso sa buhay at kabuhayan ng milyun-milyong mga Pilipino.
Samantala, duda naman si Senator Sherwin Gatchalian na ‘organized’ ang ginawang hacking sa system ng ilang ahensya ng gobyerno at hindi ito coincidence o nagkataon lamang.
Batay aniya sa pakikipagusap niya sa mga kaibigan sa information technology (IT) industry, tingin nila na ito ay isang ‘concerted efforts’ para subukin ang kakayahan ng gobyerno kung papaano tutugon sa mga cyberattacks.
Bukod dito, kapuna-puna aniya na sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo puro ahensya ng gobyerno ang na-hacked at wala pa siyang naririnig sa private sector na inatake ng mga hackers.
Sa tingin rin ni Gatchalian, malabong gawa ito ng Department of Information and Communications Technology (DICT) dahil bukod sa ‘well-respected’ na IT expert si Sec. Ivan John Uy ay malalaman din nito agad kung ‘inside job’ ang mga cyberattacks sa systems ng ilang ahensya ng gobyerno.