Inaasahan ni Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe na hindi marami ang mga disagreeing provision na pagkakasunduin sa ilalim ng Bicameral Conference Committee.
Sa pagbubukas ng BiCam ngayong araw ay bumuo na sila ng technical working group na siyang tatalakay sa mga pinagtatalunang probisyon sa ilalim ng 2025 General Appropriations Bill (GAB).
Ayon kay Poe, sa TWG ire-reconcile o pagkakasunduin ang mga pagkakaiba sa probisyon ng Senate at House version sa P6.352 trillion na pambansang pondo sa susunod na taon.
Kumpyansa ang senadora na kaunti lang ang mga major o malalaking pagkakaiba na dapat pagkasunduin ng mga mambabatas tulad na lamang ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng DSWD.
Sinabi ni Poe na marami naman silang inisyatibo ng Kamara na magkakapareho at titingnan na lamang nila kung ano-ano ang mga pagkakaiba na dapat pag-isahin.
Target ng BiCam na maaprubahan ang reconciled version ng 2025 budget sa December 9.