Tiwala si Senator Grace Poe na mapaplantsa ng Department of Transportation (DOTr) sa lalong madaling panahon ang pagbabago sa liderato ng Land Transportation Office (LTO).
Ang reaksyon ng senadora ay kasunod ng pagbibitiw ni LTO Chief Jose Arturo Tugade sa pwesto dahil umano sa pagkakaiba ng LTO at DOTr pagdating sa public service.
Ayon kay Poe, kumpyansa siyang kontrolado ni Transportation Secretary Jaime Bautista ang sitwasyon sa LTO matapos magbitiw sa posisyon ni Tugade.
Pinatitiyak ng senadora na ang pagbabago sa LTO leadership ay hindi dapat maka-kompromiso sa kasalukuyang trabaho at obligasyon ng ahensya sa publiko.
Umaasa si Poe na sa bagong pamunuan ng LTO ay gagawing prayoridad ang kakulangan sa plastic cards na gamit sa paggawa ng lisensya gayundin ang backlog sa vehicle plates.