Kumpyansa si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na mapapagtibay ng Kongreso ang Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) ngayong taon.
Ayon kay Dela Rosa, positibong-positibo siya na ngayong 2023 ay maipapasa na ng Senado ang mandatory ROTC.
At kapag aniya nangyari ito, tiyak na sa susunod na taon ay maisasama na ng Department of National Defense (DND) sa kanilang budgetary requirements ang programa at sa 2024 din ang simula ng implementasyon ng mandatory ROTC.
Sinabi naman ni Dela Rosa na bago ang session break ng Kongreso sa Marso ay target niyang makapag-sponsor ng committee report ng panukala sa plenaryo.
Tiniyak ng senador na hindi maaabuso ang mandatory ROTC program dahil mayroong bubuuhin ang DND, Commission on Higher Education (CHED) at TESDA na grievance board na siyang magmo-monitor sa mga posibleng pagmamalabis at magsasagawa rin ng moto proprio investigation para rito.
Sinisiguro rin ng mambabatas na ‘best of the best’ na AFP officer ang kanilang itatalaga sa mga paaralan na magsasanay sa mga kabataan sa ROTC.
Paglilinaw pa ni Dela Rosa, walang exemption o lusot sa nasabing programa ang lahat ng mga estudyante dahil ito ay gagawing requirement bago makapagtapos sa kolehiyo ang isang mag-aaral.
Pero, kung may karamdaman at kung may paglabag sa paniniwala at relihiyon ng isang estudyante ang mandatory ROTC ay sasailalim na lamang ang mga ito sa isang modified program.