Kumpiyansa si Senator Grace Poe na magiging ganap na batas ngayong taon ang Sim Registration Bill.
Pahayag ito ni Poe matapos na mabilis na makalusot sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala at naratipikahan na rin ang report ng Bicameral Conference Committee (BCC).
Tiwala si Poe na hanggang dalawang buwan ay malalagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos at maisasabatas ang Sim Registration Bill.
Tinukoy ng senadora na bukod sa nakakuha ito ng suporta sa Senado, ang panukala rin ay kabilang sa priority measures ng Marcos administration.
Layunin ng Sim Registration Bill na masawata ang naglipanang text scams ngayon na bumibiktima sa maraming subscribers.
Inalis na sa panukalang batas ang provision patungkol sa paggamit ng social media na siyang naging dahilan ng pag-veto noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, kagabi ay nagsara na ang sesyon ng Kongreso para bigyang daan ang Undas break at magbabalik sa November 7.
Sa kabilang banda ay tuluy-tuloy pa rin ang mga committee hearings at mga isinasagawang imbestigasyon ng Mataas na Kapulungan.