Kumpiyansa si Senator Risa Hontiveros na sapat at matibay na ebidensya na laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ang “matching fingerprints” nito kay Guo Hua Ping para tuluyan itong mapanagot sa batas.
Ayon kay Hontiveros, solid na ebidensya na para patunayang iisang tao lang si Mayor Guo at Guo Hua Ping na kahit magkaiba ang pangalan at higit dekada ang pagitan ng mga dokumento ay nagtugma pa rin ang fingerprints sa huli.
Aniya, dahil sa lumabas na ebidensya, bukod sa nakahaing non-bailable offense na qualified trafficking in persons laban kay Guo ay mahaharap din ang alkalde sa kanselasyon ng regular birth certificate ng Philippine Statistics Authority (PSA) at ang quo warranto case na hinihintay naman na maihain ng Office of the Solicitor General.
Tiyak din ng senadora na mas mahaharap sa mabigat na kaso si Guo na identity theft dahil ginamit nito sa pagtakbo sa public office ang impormasyon at pagkakakilanlan ng isang Pilipino.
Sinabi pa ni Hontiveros na hindi maaaring gamitin ni Guo ang kanyang mental health concerns na kadalasang ginagamit ng mga resource persons na nahuhuli sa kanilang pagsisinungaling at hinimok ang alkalde na magsalita at humarap na sa susunod na pagdinig.