Senado, tuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente ng pagdaan ng isang SUV sa EDSA bus lane at paggamit ng pekeng protocol plate number

Tiniyak ni Senate Committee on Public Services Chairman Raffy Tulfo na tuloy pa rin ang imbestigasyon ng Senado tungkol sa paggamit ng pekeng protocol plate numbers at ang viral sa social media na insidente ng pagdaan ng isang SUV sa EDSA bus lane.

Ito ay kahit pa humarap na sa publiko si Angelito Edpan, ang driver ng puting SUV na may fake protocol plate “7” at empleyado ng Orient Pacific Corporation na siyang umako sa nangyaring insidente.

Ayon kay Tulfo, maghahain siya ng resolusyon “in aid of legislation” upang matigil o hindi na maulit ang mga ganitong pangyayari.


Sinabi pa ni Tulfo na pangunahin talaga kaya pursigido siyang paimbestigahan ang insidenteng ito ay para malaman kung ano ang ginagawa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang trabaho dahil palaging may nakakatakas na private vehicle sa may EDSA bus lane.

Hinahanap ng mambabatas kung ano ang ginagawa at nasaan ang motorcycle unit ng MMDA na dapat sana’y hahabol sa mga tumatakas na traffic violators sa busway.

 

Dagdag pa sa nais ipasilip ni Tulfo ay ang sistema ng pagiisyu ng mga protocol plates dahil madalas itong naaabuso.

Facebook Comments