Senado, tutok lamang sa imbestigasyon sa Chinese na si Mayor Alice Guo sa kabila ng paglabas ng iba pang kapangalan nito

Mananatiling nakatutok ang Senado sa pag-i-imbestiga kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ito ay ayon kay Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Chairperson Risa Hontiveros matapos na ihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na may ikatlong Alice Guo pa na nag-apply ng clearance sa Quezon City.

Ayon kay Hontiveros, kahit sampu pa ang lumabas na Alice Guo sa buong Pilipinas, ang imbestigasyon ng Senado ay para lamang kay Alice Guo na hindi Pilipino.


Aniya pa, si Mayor Alice lamang ang katangi-tanging Chinese citizen na nahalal na Mayor.

Samantala, sinabi naman ni Senator Sherwin Gatchalian na dapat maimbestigahan ng NBI ang ikatlong Alice Guo kung mayroon man.

Hindi naman aniya maiaalis ng iba pang nagsulputang pangalan na Alice Guo na ang Mayor Alice ay may parehong fingerprints kay Guo Hua Ping na isang Chinese citizen.

Facebook Comments