Senado, umaapela na itaas na ang sahod ng mga nurse sa bansa

Nanawagan si Senate President Juan Miguel Zubiri na taasan na ang sweldo ng mga nurse upang manatili ang mga ito sa bansa.

Ang apela na ito ni Zubiri ay kasunod ng naging kautusan ni Pangulong Bongbong Marcos sa Commission on Higher Education (CHED) na solusyunan ang ‘mass exodus’ ng Filipino nurses para maghanap ng mas magandang oportunidad sa ibang bansa.

Giit ni Zubiri, hindi masisisi ang mga Pinoy nurses na magtrabaho sa abroad lalo’t ang karaniwang kita na iniaalok sa mga nurses doon ay P150,000 hanggang P200,000 kada buwan at walang ilalaban ang sahod at benepisyo dito sa Pilipinas.


Inihalimbawa ng senador ang mga maliliit na pribadong ospital na nagpapasahod sa mga nurses ng P15,000 hanggang P20,000 lang kada buwan at kadalasan ang mga ito ay overworked pa.

Binigyang-diin ni Zuburi na kung talagang nais nating manatili sa bansa ang mga nurses ay itaas na ang sweldo nila dahil tiyak naman na napipilitan lang din ang mga ito na mag-abroad para mabigyan ng disenteng pamumuhay ang kanilang mga pamilya.

Batay sa datos ng Department of Health (DOH), ang Pilipinas ngayon ay may shortage o kulang ng nasa 350,000 nurses.

Facebook Comments