Senado, umaasa na walang masyadong epekto sa ekonomiya ang patuloy na political developments sa bansa

Tiwala si Senate President Francis “Chiz” Escudero na maliit lang ang epekto sa ekonomiya ng mga political developments na nangyayari ngayon sa bansa gaya na lamang ng pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Escudero, nananatiling matatag ang economic fundamentals at democratic process sa bansa.

Sa kabila aniya ng mga ingay sa politika ay nananatiling pinakamabilis na paglago sa ekonomiya ang Pilipinas sa Southeast Asia, kung saan nauungusan na nito ang Singapore, Thailand at Malaysia.


Aminado si Escudero na anumang ingay sa politika ay mayroon talagang epekto sa mga negosyante subalit umaasa siyang habang unti-unti ay humuhupa at lumilinaw ang isyu ay manunumbalik ang kanilang pamumuhunan sa ating bansa.

Umaasa ang Senate president na sa mga susunod na araw ay huhupa rin ang mga emosyon habang nabibigyang linaw ang mga pangyayari.

Dagdag ni Escudero, ang mahalaga ngayon ay nasusunod ang legal na proseso anuman ang personal o politikal na kagustuhan at naihahayag ng malaya ang kanilang mga sentimyento at hinaing.

Facebook Comments