Umaasa ang Senado na hindi pagtatakpan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kontrobersiyal na vaccination ng Presidential Security Group nang hindi rehistradong COVID-19 vaccine.
Sa interview ng RMN Manila kay Sen. Richard Gordon, sinabi nito na ikinasa na ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang imbestigasyon ng Senate Committee of the Whole upang malaman ang totoo sa umano’y pagpapabakuna ng mga PSG members.
Binigyan diin ni Gordon na hindi sana ito pagtakpan ng Pangulo at panagutin ang dapat mapanagot lalo’t posibleng may nilabag na batas ang psg laban sa smuggling, matapos na hindi pa naaprubahan ng Food and Drug Administration (fda) ang registration ng kahit anung bakuna laban sa COVID-19.
Naniniwala rin ang senador na dapat ikonsidera ni Presidential Security Group Commander Brigadier General Jesus Durante III na magbitiw sa kanyang pwesto sa harap ng kontrobersiyal.
Giit ni Gordon, bilang commanding officer, may pananagutan siya sakaling may mangyari sa mga nabakunahang PSG members.
Una nang inamin ni Durante na nakakuha ang kanyang unit ng COVID-19 vaccine nang libre, at nalaman lang umano ito ni Pangulong Duterte, matapos na mabakunahan ang close-in security nito, bilang pagprotekta sa pangulo laban sa naturang sakit.