Hinimok ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang nagbitiw na si PhilHealth Senior Vice President Augustus De Villa na magsalita ukol sa katiwalian sa ahensya.
Mensahe ni Sotto kay De Villa, ang pagsisiwalat ng katotohanan ukol sa mga anomalya sa PhilHealth ay para sa kapakanan ng bansa at para na rin sa kapakanan nito.
Kaugnay nito ay nilinaw ni Sotto na kahit nagbitiw na si De Villa ay dapat pa rin itong humarap sa pagdinig ng Senado na nakatakdang magpatuloy sa Martes, August 11, 2020.
Maging si Senator Panfilo “Ping” Lacson ay umaasa rin na magiging dagdag na testigo si De Villa para mabunyag ang mga tiwali sa PhilHealth.
Para naman kay Senator Francis “Kiko” Pangilinan, bukod kay De Villa ay dapat ding magbitiw ang lahat ng Senior Executives ng PhilHealth alang-alang sa delicadeza.
Pero giit ni Pangilinan, mas magkakaroon ito ng epekto sa pagtugon ng bansa sa COVID-19 pandemic kung magbibitiw din si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque.