Umaasa si Basic Education Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian na may makikitang improvement o pagbabago sa performance ng mga mag-aaral sa bansa sa ilalim ng inilunsad na revised K to 10 curriculum ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte.
Ayon kay Gatchalian, umaasa siya na sa pagkakataong ito ay mas mapagtutuunan ng pansin ang pundasyon ng pagkatuto ng mga kabataan tulad sa literacy at numeracy.
Sa ilalim aniya ng revised curriculum na ipinalit sa K to12 program, ay mas mabibigyang oras na ang mga mahahalagang asignatura tulad ng mathematics, science, reading at values.
Mahalaga aniya ang hakbang na ito para matiyak na maihahatid sa bawat mag-aaral ang de kalidad na edukasyon sa bansa.
Sa pagsisimula ng roll-out ng revised curriculum para sa school year 2024-2025 ay binigyang diin ni Gatchalian ang kahalagahan na makatanggap ng sapat na pagsasanay at paghahanda para rito ang lahat ng mga guro.
Paliwanag ng senador, kinakailangang maging pamilyar at handa ang mga guro para sa naturang K to10 curriculum.