Kinalampag ni Senate Committee on Public Works Chairman Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na maging maagap sa pagiinspeksyon sa lahat ng pampublikong imprastraktura na itinayo sa bansa.
Dismayado ang senador sa nangyaring pagbagsak ng Romulo Bridge sa Pangasinan dahil posible sanang naiwasan ang nasabing trahedya kung ginawa lang sana ng DPWH ang kanilang trabaho na tiyaking palaging nasa maayos na kondisyon ang mga imprastraktura.
Hiniling ni Revilla sa DPWH na maging proactive sa auditing at inspection ng katatagan at tibay ng lahat ng mga public infrastructures at hindi na dapat hinihintay na magkalindol, bagyo o iba pang sakuna bago maisip na kumilos ng kagawaran.
Maging ang mga lumang infrastructure ay dapat regular na sumasailalim sa retrofitting o pagsasaayos upang manatiling nakakasunod sa standards ng ligtas at matibay na imprastraktura.
Giit ng senador, dapat lamang na regular na nasusuri ang mga imprastraktura upang matiyak na ligtas pa rin itong gamitin ng publiko.
Umapela rin ang senador sa ahensya na agad ayusin ang mga nasirang tulay upang hindi mapilay ang transportasyon at komersyo sa lugar.