Senado, umapela sa ilang ahensya na tulungan ang DOT na muling makabangon

Nanawagan si Senate President Juan Miguel Zubiri sa mga ahensya ng gobyerno na tulungan ang Department of Tourism (DOT) na muling makabangon at mapalakas ang turismo sa bansa.

Ito ay sa kabila na rin ng dagok na inabot ng ahensya mula sa kontrobersyal na promotional video para sa bagong tourism slogan ng bansa na “Love the Philippines”.

Tinanggap ni Zubiri ang desisyon ng DOT na panatilihin ang paggamit ng bagong slogan na “Love the Philippines” pero umapela ang senador na ang mga hakbang na ginawa ng ahensya ay hindi doon magwawakas ang proseso ng pagtutuwid sa mga pagkakamali.


Inulit ng mambabatas ang kanyang panawagan sa lahat ng kaukulang ahensya tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Transportation (DOTr), at Department of Health (DOH) na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa DOT para sa pagsasaayos ng mga imprastraktura sa turismo nang sa gayon ay maipasok sa bansa ang kinakailangang mataas na kita para sa paglago ng nasabing industriya.

Paliwanag ni Zubiri, ang tagumpay ng “Love the Philippines” campaign ay nakasalalay sa kooperasyon at pagtutulungan ng lahat ng government stakeholders upang handa ang ating public transport, internet connectivity, health protocols, logistics at ang mga tao sa paghahatid at pagtanggap ng pagmamahal na nararapat sa mga turista.

Dagdag pa ng senador, ngayon aniya mas kailangan ng DOT at ng tourism stakeholders ang ating suporta kasabay pa ng apela sa publiko na iwasan na ang anumang makasisira sa imahe ng bansa bilang umuusbong na ‘global tourist destination’.

Facebook Comments