Senado, umapela sa PNP at DILG na humanap ng ibang alternatibo para maprotektahan ang mga kasapi ng media

Nanawagan si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa Philippine National Police (PNP) at sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na humanap ng ibang paraan para mabigyan ng proteksyon ang mga kasapi ng media.

Kasunod na rin ito ng pagpapatigil ni NCRPO Chief Police BGen. Jonnel Estomo sa ‘house visit’ o pagbabahay-bahay ng mga pulis sa mga mamamahayag na may layong alamin kung may banta sa kanilang mga buhay dahil sa uri ng trabaho.

Hiling ni Villanueva sa liderato ng PNP at DILG na pag-aralang mabuti ang iba pang alternatibong hakbang para sa pagtiyak sa kaligtasan ng mga taga-media.


Giit ng senador, ang ginawang direktang pagbisita ng mga pulis sa ilang miyembro ng media ay nagdulot ng takot sa mga mamamahayag dahil ito ay nagbibigay ng palagay na isa itong surveillance o pagmamanman at maaaring magresulta sa hindi pagkakaunawaan.

Iminungkahi ni Villanueva na maaaring magtulungan ang mga law enforcement at mga organisadong media group para magkasa ng mga hakbang na poprotekta sa mga media.

Nakiusap din si Villanueva sa mga awtoridad na iwasan ang mga aksyon na makakapigil o makakaapekto sa ‘freedom of the press’ gayundin ang privacy rights ng bawat indibidwal na ginagarantiya ng Saligang Batas.

Facebook Comments