Senado, umapelang bilisan ang pamamahagi ng tulong sa mga apektado ng bagyo

Nananawagan na rin si Senator Ramon “Bong” Revilla na pabilisin ang pamamahagi ng tulong sa mga kababayang apektado ng Bagyong Paeng.

Suportado ni Revilla ang apela ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na madaliin ang distribusyon ng aid at relief sa mga biktima ng kalamidad sa pamamagitan ng pagpapabilis sa bureaucratic process.

Nakiusap si Revilla sa mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipagpatuloy ang sakripisyo at isantabi muna ang pagod hanggang sa matapos ang trabaho.


Samantala, pinasalamatan at kinilala rin ng senador ang DSWD sa kanilang mabilis na pagresponde at pagtugon sa mga pamilyang nasa evacuation centers na apektado ng kalamidad.

Sa loob ng 24 oras aniya ay mabilis na kumilos ang DSWD 4-A kasama ang mga lokal na opisyal na namahagi ng tulong at food packs sa 4,000 pamilya sa Bacoor, Kawit, Noveleta, at Tanza.

Nagpasalamat si Revilla sa patuloy na paghahatid ng food packs sa mga biktima ng bagyo sa kabila ng nahirapan ang mga ito sa logistics dulot ng epekto ng bagyo sa lalawigan.

Facebook Comments