Hanggang ngayon ay wala pa ring natatanggap na kumpirmasyon ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality kung makadadalo ba bukas sa pagdinig ng komite ang founder at leader ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Pastor Apollo Quiboloy.
Inimbitahan at pinadadalo ng personal ng Senado sa imbestigasyon bukas ng komite si Quiboloy patungkol sa mga napaulat na sexual abuse, human trafficking at iba pang pang-aabuso sa mga kababaihan at mga kabataan sa loob ng religious group.
Pinadalhan si Quiboloy ng tanggapan ni Senator Risa Hontiveros ng imbitasyon para humarap sa pagdinig sa pamamagitan ng website ng KOJC at courier.
Subalit hanggang nitong Biyernes ay wala pa ring kumpirmasyon na natatanggap ang komite kung dadalo sa imbestigasyon si Quiboloy.
Ang pagdinig bukas ay bunsod ng Senate Resolution 884 na inihain ni Hontiveros kung saan pinaiimbestigahan sa Senado ‘in aid of legislation’ ang mga ‘di umano’y pang-aabuso ng KOJC at para madetermina kung sapat ba ang mga umiiral na batas laban sa human trafficking.