Hindi susunod ang Senate Electoral Reforms and People’s Participation na pinamumunuan ni Senator Imee Marcos sa panawagan ng Kamara na itigil na ang imbestigasyon sa People’s Initiative para sa Charter change.
Ayon kay Sen. Marcos, sa kabila ng suspension ng Commission on Elections (Comelec) sa proceedings ng People’s Initiative ay hindi pa rin malinaw hanggang ngayon kung itinigil na ba ang pangangalap ng mga lagda para rito kaya ang Senado ay tuloy lamang sa kanilang gagawing imbestigasyon.
Bukod dito, mismong ang Comelec ay inamin sa imbestigasyon ng Senado na walang expiration ang mga nakolektang lagda kaya nakakapangamba na posibleng umabot ng 2028 ay magagamit ito ng mga nagsusulong ng pekeng People’s Initiative.
Tanong pa ni Sen. Marcos ay kung bakit nakikialam naman ang Kamara sa trabaho ng Senado at kung maayos naman ang kanilang trtabaho at walang itinatago ay ano aniyang problema rito.
Kasabay nito ay hinamon naman ng senadora ang Comelec na itapon na ang mga lagda ng pekeng initiative at magsimula sa tamang pamamaraan kung saan direkta sa taumbayan ang kunsultasyon at dapat alamin ang isyu at proseso patungkol sa chacha.