Walang nakikitang problema si Senate President Chiz Escudero sa magiging kumpirmasyon ng Commission on Appointments sa ad interim appointment ni Senator Sonny Angara bilang Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon.
Ayon kay Escudero, sa parte ng Senado ay wala siyang nakikitang problema dahil bibigyan nila ng kortesiya si Angara bilang kasalukuyang miyembro ng Mataas na Kapulungan ng kongreso.
Lahat aniya ng mga senador ay proud kay Angara hindi lamang bilang myembro ito ng Senado kundi bilang miyembro din ng gabinete ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Naniniwala naman si Escudero na bahagi ng Kamara ay mabibigyan din ng courtesy ng mga kongresista si Angara lalo na’t naging myembro rin ito ng Kamara de Representantes mula 2004 hanggang 2013.
Samantala, sa Committee on Justice na mababakante rin ni Angara sa Senado, hanggat maaari ay gusto ni Escudero na isang abogado rin ang magiging chairman ng komite.
Bagamat hindi naman requirement ang pagiging abogado sa committee chairmanship, pero sa Justice Committee ay mainam aniya kung myembro ng Philippine Bar Association ang magiging Chairman dito.