Senador, agad na pinaa-aksyunan sa mga awtoridad ang 250 na mga iligal na POGO sa bansa

Pinaaagapan ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada sa mga awtoridad ang nasa 250 na mga POGO na iligal na nag-o-operate sa bansa.

Ayon kay Estrada, bukod sa usapin sa banta sa seguridad na dulot ng mga POGO na malapit sa mga base militar, may mga ulat aniya ng daan-daang POGO na nag-o-operate na walang lisensya.

Agad na pinakikilos ng senador ang mga kinauukulan na magsagawa ng crackdown o pagtugis sa mga iligal na kompanya ng POGO.


Partikular na pinaaaksyunan ng senador ang problemang ito sa PAGCOR lalo na aniya kung may sapat namang impormasyon para rito.

Giit ni Estrada, huwag na sanang magpatumpik-tumpik pa ang ahensiya sa pagpapasara ng mga iligal o unlicensed na POGOs.

Pinakakansela rin ng mambabatas sa Bureau of Immigration (BI) ang visa ng mga dayuhang empleyado ng mga unlicensed POGOs at agad na pinade-deport ang mga ito.

Facebook Comments