
Aminado si Senator Kiko Pangilinan na may pag-a-alangan siya sa suhestyon ni Senate President pro-tempore Ping Lacson na makipag-dayalogo ang mga senador sa mga opisyal ng Chinese Embassy sa bansa.
Ito ay matapos na magpahayag ng kahandaan si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan na makipagpulong sa mga lider ng bansa upang matigil na ang “word war” at tensyon sa pagitan ng mga Chinese Embassy officials at mga opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Pangilinan, na siyang may-akda ng resolusyon na naghahayag ng pagkundena ng Senado laban sa pambabatikos ng ilang Chinese Embassy officials, ang mungkahing makipag-dayalogo ang mga senador ay naka-depende pa rin sa sinseridad at magiging tugon ng China.
Sinabi ni Pangilinan na nauunawaan niya si Lacson na ayaw lang nitong lumubha pa ang tensyon pero aminado ang mambabatas na mahirap pagkatiwalaan ang Chinese Embassy.
Giit ni Pangilinan, sa apat na termino na siya ay mambabatas ng Mataas na Kapulungan at sa loob ng mahigit dalawang dekada, ngayon lang siya nakaranas ng pambabastos mula sa Embahada ng China.
Para kay Pangilinan, kung ang dayalogo ay mauuwi lamang sa pangle-lektyur ng Chinese Embassy sa mga senador tungkol sa diplomasya ay mainam na huwag na lang at maghanap na lang sila ng ibang kausap.
Naunang sinabi ni Lacson na imumungkahi niya kay Senate President Tito Sotto III kasama ang mayorya at kung gusto rin ng minority na mag-initiate ng pag-uusap sa pagitan nilang mga mambabatas at ilang Chinese Embassy officials na nakaalitan.










