Aminado si Senator Sherwin Gatchalian na sa 27 million na mga mag-aaral ay may ilan dito ang pumapasa kahit hindi pa handa para sa susunod na antas.
Inamin ng Basic Education Committee Chairman na may mga impormasyong nakakarating sa kanya na may pagkakataon na ipinapasa ng mga guro ang kanilang estudyante kahit hindi pa handa sa susunod na level.
Pero matapos anyang ipasa ay magsasagawa naman ng intervention ang mga guro sa estudyante tulad ng tutoring at remedial classes.
Binigyang-diin pa ng senador na mahalaga ang kahandaan ng mga mag-aaral dahil sila rin naman ang mahihirapan kung aangat sila ng antas subalit hindi pa pala sapat ang kanilang kaalaman para rito.
Sa bandang huli aniya ay ang mga estudyante na lamang ang aayaw na sa pag-aaral.
Samantala, wala pang impormasyon si Gatchalian patungkol sa pamimilit sa ilang guro na ipasa na lamang ang mga estudyante upang makuha nila ang kanilang performance-based bonus.