Aminado si Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian na malaking hamon kung saan kukunin ang halos ₱400 billion para matugunan ang 50,000 na backlog na mga silid-aralan sa buong bansa.
Ayon kay Gatchalian, sa ngayon ay imposible pang matugunan agad ang kakulangan sa mga classroom lalo’t hindi naman ito kakayanin ng budget ng Department of Education (DepEd).
Batid din ng senador na kada budget season ay parehong isyu pa rin ang tinatalakay, ang paglalaan ng budget para sa karagdagang silid-aralan.
Aniya, sa nakalipas na tatlo hanggang limang taon ay nasa P10 billion hanggang P40 billion lang ang nailalaan na alokasyon para sa pagpapatayo ng mga classrooms.
Hindi man aniya ito sapat sa ngayon pero silang mga senador ay humahanap ng paraan para magkaroon ng short-term solution upang maging komportable sa mga silid-aralan ang mga magaaral at hindi siksikan tulad na lamang ng paggamit sa sobrang kapasidad ng mga pribadong paaralan.
Dahil matatagalan pa at posibleng dumaan pa ang ilang administrasyon bago matapos ang backlog sa klasrum, pinagaaralan din ni Gatchalian ang ilang short-term solutions gaya ng pagpapatupad ng shifting ng mga klase at paggamit ng online o distance learning para ma-decongest ang mga silid-aralan.