Naniniwala si dating Senador Antonio Trillanes IV na bahagi ng planong pagpapatalsik kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagdinig ng Senado sa kontrobersyal na Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) leaks.
Sa panayam ng media matapos magsampa ng kaso sa lungsod ng Quezon, tahasang sinabi ni Trillanes na walang saysay ang pagdinig dahil halatang pilit na pilit ang mga pahayag ng dating PDEA agent na si Jonathan Morales.
Inihayag ni Trillanes na malinaw na hinihikayat lang ng pagdinig na magalit ang taumbayan at mga aktibong miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para pabagsakin ang gobyerno.
Idinagdag pa ng dating senador na kaduda-duda si Morales dahil bakit hindi nito masabi kung sino ang kanyang impormante kaugnay sa pagdidiin kay pangulong Marcos sa iligal na droga.
Bukod dito ay mayroon na rin aniyang pagdududa sa kredibilidad ni Morales dahil may mga political activity aniya kung saan nakitang kasama ni Morales si dating Pangulong Duterte.