“Back to square one”
‘Yan na lamang ang nasabi ni Senator Risa Hontiveros matapos malaman ang pahayag ni dating Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III na “taken out of context” siya sa sinabi na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos sa paglipat ng mahigit P47 billion COVID-19 funds sa PS-DBM noong 2020.
Ayon kay Hontiveros, bumilib na sana siya kay Duque sa nauna niyang pahayag pero dahil sinasabi na nitong iba ang pagkakaintindi sa kanya ay balik nanaman ulit sa umpisa lalo na sa posibilidad na maging isang importanteng resource person para makumpleto sana ang imbestigasyon sa iregular na paglilipat ng pondo.
Sinabi ni Hontiveros na posible sanang magbukas ulit sa pagbuhay ng imbestigasyon ng Senado ang rebelasyon ni Duque dahil kailangan lamang nila ng bagong resource person, whistleblower o kahit ebidensya para magdaos ulit ng pagdinig.
Aniya, si Duque na sana iyon kaya lamang, ilang oras matapos niya sabihin ang ibinunyag ay binawi niya rin ito.
Maganda sana aniyang pagkakataon ito para i-redeem ang sarili at ang nabahirang institusyon na DOH subalit kung ganito na itinatanggi o nag-iba ng pahayag ang dating kalihim ay kawalan niya ito.