Senador, dismayado sa biglang paglaganap na naman ng iligal na droga sa maraming lugar

Dismayado si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa paglaganap ng iligal na droga sa mga lansangan na kanya pang ikinumpara sa “parang candy na naman”.

Ang pahayag ng senador ay kaugnay sa sunod-sunod na kaso na may kinalaman sa iligal na droga at matapos ring aminin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagdami ng bigtime drug shipment sa bansa.

Ayon kay Dela Rosa, malala ang kasalukuyang sitwasyon ng iligal na droga dahil kapag pumunta sa mga barangay ay wala nang barangay captain ang nagsasabi na maayos ang problema nila sa ipinagbabawal na gamot.


Marami aniya ang lumalapit at nagsusumbong sa kanya na nagkalat na naman na parang candy ang bentahan ng droga sa mga kalsada.

Nanawagan si Dela Rosa sa pamahalaan na huwag magpapetiks-petiks at seryosohin ang problema sa iligal na droga.

Aniya pa, nakausap niya ang mga dating kasamahan sa Philippine National Police (PNP) at nakahanda silang itaya ang kanilang buhay para sugpuin ang iligal na droga sa bansa basta’t mayroong back-up o suporta mula sa Malacañang.

Facebook Comments