Ginisa ni Senator Alan Peter Cayetano si Health Secretary Ted Herbosa sa deliberasyon ng budget ng Department of Health (DOH) sa plenaryo kaugnay sa kawalan ng aksyon sa ipinasarang mga health centers at lying-in clinics sa 10 EMBO barangay na idineklarang bahagi ng Taguig City.
Giit ni Cayetano, hindi naman tinupad ni Herbosa ang pahayag nito sa media na padadalhan ng mobile clinics at gamot ang mga EMBO barangay nang kandaduhan ito ng lokal na pamahalaan ng Makati.
Sinabi ng senador na inakala niyang magiging Solomon si Herbosa sa pagitan ng girian ng Taguig at Makati subalit naging Pontio Pilato o naghugas kamay.
Nanatiling dismayado si Cayetano nang sagutin ito ni Herbosa na tumutulong ang Makati sa mga pasyente mula sa EMBO barangays sa pamamagitan ng medical assistance to indigent patients na programa ng DOH.
Gayundin ay kinausap ni Herbosa ang regional director for Metro Manila ng DOH para siguruhin ang health services para sa mga taga-EMBO barangays.