Senador, duda na hindi magkaka-power shortage ngayong tag-init

Hindi kumbinsido si Senator Sherwin Gatchalian sa posisyon ng Department of Energy (DOE) na hindi magkakaroon ng power shortage o kakulangan sa suplay ng kuryente ngayong buwan ng tag-init na mas ramdam ang epekto ng El Niño sa buong bansa.

Ayon kay Gatchalian, vice chairman ng Senate Committee on Energy, sa kasalukuyan ay nakita niyang nasa 500 megawatts na lang ang margin ng suplay ng kuryente sa buong bansa na malayo sa comfortable level kung nationwide ang basehan na dapat ay nasa 1200 megawatts.

Aniya, hindi siya kumbinsido dahil sa tuwing mainit ang panahon ay mas lalong tumataas ang kunsumo ng kuryente sa bansa.


Inihalimbawa nito ang paggamit ng aircon kung saan kapag panahon ng tag-init ay mas mahaba ang oras na nakabukas ito at karaniwang ibinababa ang temperatura, ibig sabihin mas maraming kuryente ang kailangang gamitin ng isang aircon para palamigin ang isang lugar o silid.

Nagbabala si Gatchalian na kapag pumapalo sa 45 degrees Celsius ang temperatura ay asahan ngayong buwan ng Abril at Mayo na tataas ang konsumo ng kuryente at kapag tumaas ang konsumo ay liliit ang margin na mauuwi sa brownout dahil kulang ng suplay ng kuryente.

Facebook Comments