Senador, duda na masosolusyunan ng pagpapataw ng buwis ang problemang dulot ng online gambling sa bansa

Iginiit ni Senator Migz Zubiri na hindi solusyon ang pagpapataw ng buwis sa online gambling/gaming para mawakasan ang masamang dulot nito sa mga Pilipino.

Kaugnay ito ng pagiging bukas ni Pangulong Bongbong Marcos sa proposal ng Department of Finance (DOF) na patawan ng buwis ang mga online gaming operator basta’t ito ay mayroong sapat na pag-aaral.

Ayon kay Zubiri, pinatawan din naman noon ng buwis ang Philippine Offshore Gaming Operators o POGO operations sa bansa subalit hindi nito napahinto ang salot na dulot ng POGO sa lipunan.

Sa halip aniya na ma-regulate ay mas lalong lumala ang mga sindikato at human trafficking sa bansa.

Sinabi ni Zubiri na patunay lamang ito na hindi solusyon ang pagbubuwis at ipinangsasangkalan pa ang paghihirap at panggigipit sa mga kababayan para kumita.

Sa huli aniya, kawawa pa rin dito ang bansa.

Facebook Comments