Ipinagtanggol ni Senator Christopher “Bong” Go si world no. 2 pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena kaugnay sa ‘doping allegations’ ni Anais Lavillenie, ang asawa ni 2012 Olympic men’s pole vault gold medalist Renaud Lavillenie.
Giit ni Go, bilang Chairman ng Senate Committee on Sports, palagi nilang susuportahan at poprotektahan ang integridad ng mga atleta ng bansa.
Sinabi ni Go na ang akusasyon ng asawa ng French pole vaulter na gumagamit si Obiena ng performance enhancing substance ay seryosong alegasyon laban sa ating national sports hero na siyang may hawak ngayon ng Asian record sa pole vault.
Hindi aniya nila kinukonsinti ang mga ganitong walang basehang akusasyon sabay paalala na ang professionalism ay bahagi ng sportsmanship.
Hirit pa ng senador, nanalo lang si Obiena ay pinagbintangan na agad at posibleng inggit lamang ang nagbato ng intriga sa atleta.
Hinamon naman ni Go ang asawa ni Lavillenie na maglabas ng pruweba sa mga bintang kay Obiena at hindi iyong sisirain ang reputasyon ng Filipino pole vaulter sa social media.