
Mas gugustuhin pa ni Senate President pro-tempore Ping Lacson na magpa-iral ng reenacted budget sa Enero o kahit sa unang quarter ng 2026.
Ito ang inihayag ni Lacson sa gitna pa rin ng deadlock sa pagitan ng Senado at Kamara sa bicameral conference committee dahil sa tinapyas na P45 billion sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Iginiit ni Lacson na makabubuting reenacted ang budget sa Enero o sa first quarter kesa magpatibay sila ng national budget na hindi nasuri, delikado sa pangaabuso at ang mas malala ay tadtad ng katiwalian.
Ginagarantiya pa ni Lacson na kaisa niya sa sentimyentong ito ang mga kapwa senador mula sa majority bloc.
Samantala, patungkol naman sa paghingi ng paumanhin ni DPWH Secretary Vince Dizon at sa hirit na ibalik ang P45 billion na tinapyas sa DPWH budget, sinabi ni Lacson na ito ay collective decision ng Senado at anumang mapagkasunduan ay ipararating ng senate panel.
Sa ngayon ay minamadali na sa bicam ang panukalang budget para sa taong 2026 upang maisabatas bago magsara ang taong ito.









