
Hiniling ni Senator Alan Peter Cayetano na ipapanawagan ng Senado na ipasailalim sa house arrest si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nakapaloob ito sa resolusyong inihain ni Cayetano na naghahayag ng posisyon ng Senado na himukin ang Pilipinas na iapela sa International Criminal Court (ICC) ang interim release ni dating Pangulong Duterte kasama na ang hiling na isailalim ito sa house arrest sa The Hague habang dinidinig ang kaso.
Iginiit ng senador na kahit umatras ang Pilipinas sa Rome Statute, maaari pa ring makipagkasundo ang bansa sa ICC aa pamamagitan ng embahada sa The Hague para sa mga kondisyon ng pansamantalang pag-aresto.
Nakasaad sa resolusyon na maaaring makipag-ugnayan sa ICC at sa Embahada ng bansa sa The Hague at hilingin na isailalim sa uri ng house arrest, modified house arrest, o anumang arrangement na aayunan ng korte.
Binanggit din sa resolusyon ang lumalalang lagay ng kalusugan ng dating pangulo, ang katandaan at matagal na pag-iisa na maaaring magpalubha sa kaniyang pisikal at emosyonal na kalagayan.
Umaapela rin ang resolusyon sa pamahalaan ng Pilipinas na ipagkaloob ang parehong courtesy na iginawad kay dating Senator Leila de Lima na ipagpatuloy ang tungkulin habang nakakulong.









