Naniniwala si Senate Minority Leader Koko Pimentel na may paraan pa para solusyunan ng Department of Agriculture (DA) ang problema ngayon sa oversupply ng mga gulay sa maraming lalawigan sa bansa.
Ito ay kahit pa sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na walang pondo ang ahensya para tulungan ang mga magsasaka ng gulay na nalugi matapos na hindi mapakinabangan at mabulok na lamang dahil sa sobrang suplay.
Hinamon ni Pimentel si Tiu na i-tap o gamitin ang network ng DA ng supply chain o logistic para ibigay ang sobrang suplay ng gulay sa ibang mga lugar sa bansa na kulang ang suplay o higit na nangangailangan nito.
Nakatitiyak ang senador na maaari itong gawin ng ahensya dahil ito ay usapin lamang ng logistically distribution kung saan ang oversupply ng produkto sa isang lugar ay dadalhin sa ibang lugar na mas nangangailan nito.
Dagdag pa ni Pimentel, magiging malaking tulong ang hakbang na ito sa taumbayan at sa mga magsasaka na malaki na ang lugi dahil sa nasabing problema ng oversupply ng mga gulay.