Hinamon ni Senator JV Ejercito na ngayon patunayan ng Estados Unidos ang pangakong tulong sa panahon ng sakuna at kalamidad sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Ang hamon ng senador ay kaugnay na rin sa perwisyong idinulot ng oil spill mula sa lumubog na barko na MT Princess Empress sa karagatan ng Oriental Mindoro.
Ipinunto ni Ejercito na isa nang kalamidad ang oil spill dahil malawak na ang epekto ng pinsalang iniwan ng sakuna mula sa pagkawala ng kabuhayan ng libu-libong mangingisda at mga residente sa mga bayan ng lalawigan.
Pinangangambahan din na posibleng umabot ang langis sa Palawan at Boracay.
Dito na aniya pumapasok na nasa antas ng malaking man-made calamity na ang oil spill kung saan kailangan na ng tulong ng Estados Unidos gayundin ng ibang mga bansa tulad ng Japan para maagapan ang pagtindi pa ng pinsala ng pagtagas ng langis mula sa lumubog na barko.
Dahil sa oil spill, nasa ‘state of calamity’ ngayon ang halos 80 coastal barangays sa siyam na bayan sa Oriental Mindoro.