Senador, hindi kuntento sa ginawang pagbibitiw ni OTS Chief Aplasca

Hindi kuntento si Senate Committee on Public Services Chair Senator Grace Poe sa pagbibitiw ni Office for Transportation Security (OTS) Administrator Ma. O Aplasca.

Giit ni Poe, ang pagbibitiw ng pinakamataas sa posisyon ay hindi naman nangangahulugan na nalilinis ang mga nasa ibaba nito.

Aniya, ang pinakakailangan sa ngayon ay ang pagkakaroon ng matatag na liderato ng OTS na magpapatupad ng mga kinakailangang reporma at hindi lang dapat umaaksyon kapag tapos na o nangyari na ang isang insidente.


Para pa kay Poe, ang agad na kinakailangan ngayon na gawin ng OTS ay repasuhin at higpitan ang sariling security program tulad ng pagpapahusay ng physical layout ng security screening stations at paglalatag ng proactive measures para maiwasan ang mga insidente sa hinaharap.

Dapat din aniyang paghusayin ang sistema sa pagha-hire ng mga tauhan, i-review ang recruitment policies, ipatupad ang ethics training at isailalim ang mga empleyado sa mabusising background checks.

Isa naman sa nakikitang solusyon ni Poe para mailayo sa paggawa ng katiwalian ang mga tauhan ng OTS ay bigyan ang mga ito ng ‘security of tenure’ at itaas ang sahod ng mga highly-skilled technical personnel sa mga paliparan.

Dagdag pa ni Poe ang pinakahamon din ngayon sa pamahalaan ay makapagtalaga ng isang mamumuno sa OTS na may matinding political will para i-overhaul o linisin ang ahensya.

Facebook Comments