Kinumpirma ng ilang senador ang hindi pagdalo sa ceremonial signing ng 2025 national budget sa Malakanyang na gaganapin sa December 30.
Ayon kay Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada, nakatanggap siya ng advisory mula sa Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) tungkol sa nakatakdang paglagda ni Pangulong Bongbong Marcos sa pambansang budget sa susunod na Lunes, iyon lamang hindi siya makakapunta dahil sa may previous commitment na siya na kailangang daluhan.
Sinabi naman ni Senator Migz Zubiri na nasa ibang bansa siya sa susunod na linggo kaya hindi rin niya masasaksihan ang ganap na paglagda ng Pangulo sa budget.
Habang si Senator Sherwin Gatchalian naman ay hindi rin makakadalo sa ceremonial signing pero hindi na siya nagbanggit ng dahilan.
Umaasa naman si Zubiri na niresolba na ang mga isyu sa education sector matapos itong tapyasan ng Kongreso ng ₱12 billion gayundin ang zero subsidy sa PhilHealth.