Duda si Senator Francis “Chiz” Escudero sa naging basehan ng pag-aaral ng Commission on Human Rights (CHR) kung saan lumitaw na walang sapat na “soft skills” ang mga bagong graduates kaya nahihirapang makakuha ng trabaho.
Ang “soft skills” ay tumutukoy sa mga kakayahan ng mga kukuning empleyado tulad ng time management, adaptability, interpersonal, critical thinking, team work at iba pa.
Nais malaman ni Escudero kung isinaalang-alang sa naturang pag-aaral ang mga available na trabaho dahil nananatili pang bumabangon ang ating bansa mula sa pinsalang dinulot ng pandemya.
Kinukwestyon din ng senador kung ilan ang naging respondents sa ginawang pag-aaral ng CHR at ano ang ginamit na formula o paraan para sukatin ang “soft skills” ng mga nagsipagtapos na mag-aaral.
Para sa senador, nais muna niyang mabasa at alamin ang buong nilalaman ng pag-aaral bago niya husgahan kung talaga bang nararapat ang naging obserbasyon na ito sa mga nagsipagtapos sa panahon ng pandemya.