Hinimok ni Senator Alan Peter Cayetano ang apat na ahensiya ng gobyerno na magtulungan na suriin ang mga reclamation projects na posibleng nagiging sanhi ng pagbaha tuwing may bagyo o malakas na pag-ulan.
Sa pagsalang ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa budget hearing ng Senado ay napuna ang paulit-ulit na pagbaha sa maraming lugar sa bansa sa kabila ng ipinagmalaking 5,500 flood control projects ng ahensiya.
Iginiit ni Cayetano na mahalaga ang kumpyansa ng mga mamumuhunan sa bansa at ayaw naman nila sa Senado na aaprubahan, ibibitin, iimbestigahan at kakanselahin ang mga proyekto.
Subalit palagi aniyang nagiging katanungan tuwing may pagbaha ngayon ay kung reclamation ba ang problema rito.
Nais ni Cayetano na matiyak na ang pinakamahusay na engineering, environmental, at architectural urban planning ay maipatupad sa reclamation at magagawa lamang ito sa pagtutulungan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Science and Technology (DOST) at Department of Information and Communications Technology (DICT).