Senador, hinikayat ang buong bansa na patuloy na panindigan ang paggiit sa karapatan sa WPS

Nanawagan si Senate President Pro Tempore Loren Legarda na patuloy tayong manindigan sa paggiit ng ating karapatan sa West Philippine Sea (WPS).

Kasabay nito ang pakikiisa ng senadora sa paggunita ngayong araw ng ika-pitong taong anibersaryo ng makasaysayang The Hague arbitral ruling na pumapabor sa territorial claims ng Pilipinas sa Exclusive Economic Zone (EEZ) at mga teritoryo sa West Philippine Sea at nagbabasura sa nine-dash line ng China.

Apela ni Legarda sa buong sambayanan na huwag magpatinag at patuloy na manindigan sa mga prinsipyo ng international law, pagsusulong ng kapayapaan at pagprotekta sa pambansang interes sa pamamagitan ng patuloy na panawagan para sa epektibong pagpapatupad ng arbitral ruling.


Ito ay para matiyak na mapapakinabangan ang desisyon ng mga kababayan, ng mga kabataan at ng susunod pang henerasyon ng mga Pilipino.

Sinabi pa ni Legarda na ang makasaysayang ruling na ito ay mahalaga para palakasin ang mga pagsisikap ng gobyerno na ingatan ang ating territorial integrity, mabigyang proteksyon ang maritime resources at ang ating tungkulin na mapangalagaan ang ating marine biodiversity.

Pinuri din ng senadora ang patuloy na pag-aksyon ng pamahalaan na igiit ang ating sovereign rights sa territorial waters habang pinananatili ang maayos na diplomatic relations.

Facebook Comments