Hinimok ni Senator Risa Hontiveros ang Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na bumuo at maglabas na ng plano para sa pagtatayo ng sapat na cold storage facilities sa mga magsasaka.
Kasunod na rin ito ng pagbisita ng senadora sa Occidental Mindoro para talakayin ang mga isyu tungkol sa krisis sa sibuyas at iba pang problema sa agrikultura.
Ipinaabot ng mga magsasaka kay Hontiveros ang ilan sa kanilang mga problema, kabilang ang kawalan ng cold storage facility na pag-iimbakan ng kanilang ani at ang sobrang pagkalugi sa kita kung saan sa ₱100 kada kilo na benta sa kanilang ani ay naipagbibili na lamang ng mga magsasaka ang kanilang sibuyas sa ₱8 kada kilo.
Dahil dito, umapela na si Hontiveros sa DA at DTI na bago sana magsimula ang mga budget hearing ay maglabas na ng plano para sa pagkakaroon ng cold storage facilities ng ating mga magsasaka.
Giit ni Hontiveros, malaking kaluwagan ang mga dagdag na pasilidad hindi lang sa mga magsasaka kundi pati na rin sa mga consumers dahil maiiwasan ang pagtaas ng presyo.
Partikular na ipinatatayo ang mga bagong cold storage facility sa Mindoro, Nueva Ecija, Ilocos, at Pangasinan.
Ang mga nabanggit na lugar ang mga pinakamalalaking onion producers sa bansa.