Nanawagan si Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian sa Department of Education (DepEd) na epektibong ipatupad ang Excellence in Teacher Education Act o ang Republic Act No. 11713.
Ang apela ng senador ay kasunod na rin ng naging direktiba ni Pangulong ‘Bongbong’ Marcos sa DepEd na paghusayin pa ang kalidad ng pagtuturo sa bansa matapos ang mababa pa ring resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA).
Ayon kay Gatchalian, ang naturang batas ay mahalagang reporma para sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon at pagsasanay para magkaroon ng mahuhusay na mga guro sa bansa.
Sa ilalim ng batas na iniakda at inisponsoran ni Gatchalian sa Senado, isinasaayos dito ang Teacher Education Council (TEC) sa pamamagitan ng pagpapalakas ng koordinasyon sa DepEd, sa Commission on Higher Education (CHED) at Professional Regulation Commission (PRC) upang matiyak ang pagkakaugnay sa pre-service at in-service teacher education programs.
Pinagtatakda rin ang TEC ng minimum requirements sa teacher education programs, para sa lalo pang pagpapahusay ng mga guro sa bansa.